05/13/2011
Byaheng Uwian
Fiesta sa Syudad, Pasko, Bagong Taon, Semana Santa...
Yan ang mga araw na nasa bus ako. Punuan ang mga ordinaryong bus, ang pinakamurang paraan para makauwi. Mainit, maalinsangan, at madumi. Mabaho ang mga banyo. Kung medyo malinis man, singko ang bayad sa bawat gamit.
Kung minsan, mausok din sa loob ng bus. At sa unang sindi ng mamang may hawak na sigarilyo alam ko na ang amoy. Kung sadyang makawiwindang na ang amoy, pinagagalitan ko ang mamang naninigarilyo. Kung sadyang matanda at tatay na ay nagpaparinig na lamang ako at minsan naiisip ko na mag-isa pala ako at hindi safe ang maging reklamadora.
Eto na yata ang magiging buhay ko sa mga susunod na Araw na may okasyon.
At eto yata ang buhay ng mga Bikolanong katulad ko na nakipagsapalaran dito sa malayong syudad ng Maynila.
Sa bawat sakay ko, may nakikila akong Bikolano. Ironical ding isiping masayang may makausap na Bikolano dito sa Kamaynilaan gayong kung nasa sa sarili syudad ay bihirang makakilalan o maski magpansinan ang mga tao.
Inaabot ng sampu hanggang dose oras ang byahe pauwi sa amin. Kung mamalasing merong sira ang bus at meron pang trapik sa mga syudad na daraanan ng bus, tiyak na mas tatagal ang byahe. Tulad ng nakaraang byahe ko na abot sa trese oras mahigit ang byahe. Ngunit kung mayaman ka, then its time everyone from the rich flies. Lubhang mahal ang pamasahe sa eroplano.
Sa higit sampung oras, dalawang beses lang karaniwang tumitigil ang bus. Kung sobrang naiihi kana at hindi mo na mapigilan, kailangan mong makiusap sa konduktor o kaya naman sa drayber na tumigil sa pinakamalapit na tindahang may banyo. Asahan mong hindi ka nag-iisang bababa at tiyak na may pila pa ang banyo.
Ang malas na byahe ay kung maulan. Magiging mas maalinsangan sa loob ng bus. Nakaririndi din minsan kung may mga sanggol na kasama ang pasahero, at kung magdamag na iiyak ang bata.
Pinakamagandang magbyahe sa gabi upang mas mabilis kang makauwi. Kung malapit na ang bus, hindi na ako magkamayaw sa pag silip sa bintana. Inaalam ko kung anong muninsipyo o syudad na kami. At kung talagang malapit na sa aming syudad sadyang hindi ko mapigilang matuwa.
Masakit man sa ulo at balakang ang magdamag na upo at nakalulungkot mang isiping magiging maikli lamang ang aking pagbisita, sulit na ring makita ang magandang tanawin sa bintana ng aming bahay. Masaya na rin akong makita ang aking mga pamilya.
Sa susunod, probably pag iipunan ko nalang ang magpa-book sa eroplano o maagang-maaga mag book ng seat sale. O kaya nman ay magtyatyaga sa ganitong sistema ng pag byahe. And still, at the end of the day, nothing beats home.

Comments
Post a Comment